ANO ANG UPONG PITONG PISO?

Naranasan mo na bang maipit sa loob ng Jeepney?

Naranasan mo na bang magbayad ng pitong piso habang nakaupong dalawang piso?

Masakit po lalo na sa binti. Yun tipong tuwing pe-preno ang sasakyan e inaantay mo na madulas yun pwet mo sa pagkaka-upo at malaglag ka ng tuluyan. Well actually di ka naman talaga naka-upo in the first place.. nakadikit lang ang tumbong mo doon sa upuan.

Gustuhin mo man sanang sumabit na lang e hindi na pwede dahil puno na rin ang lugar na pagsasabitan.

"E bakit ko naman ginagawa sa sarili ko yun?" - you might ask.

Bakit hindi na lang ako lumipat sa ibang jeep para makaupo ng matiwasay? Kokonti lang ba ang mga pampasaherong Jeep?

Naku hindi po, sandamakmak po at nagkalat ang Jeep sa buong Pilipinas. Ang byaheng Escoda-Pandacan na nga lang sa Maynila e halos pila-pila na sa kalsada sa sobrang dami kaya kahit napaka-ikli lang naman ng bya-byahehin e umaabot pa ng kalahating oras o higit pa dahil napakabagal ng usad at bawat kanto e humihinto at nag-aabang ng pasahero.

So ano talaga ang problema?

Una sa lahat kung sasakay ka sa pila, punuan po talaga yun at hindi aalis ang jeep hanggat hindi nakukumpleto ang dami ng pasahero na itinakda dito.

Halimbawa sa sukatan, nagpa-upo si manong ng 10 maninipis na tao at nagkasya kaya sasabihin sa konduktor na sampuan siya.

E hello, hindi naman lahat ng pasahero mo e maninipis na tao. Paano kung may sumakay na foreigner, German, sin laki ni Arnold Scharzenneger? O isang tao na ang pants size ay 40 pataas? Paano?

Adjust-adjust din sana dapat sa bilang kaso ang kadalasan nilang pinag-aadjust ay mga pasahero. Kaya yun iba, stomach in - chest out na lang para magkasya.

Meron din style na alternate positioning na tinatawag. Yun isa sa bandang loob habang yun kasunod ay nakaupo na bandang palabas. And so on and so forth - para lang magkasya.

E bakit nga ko hindi na lang lumipat?

Ginagawa ko talaga yun, lalo na kung di naman ako masyado nagmamadali - kaso po gawin ko man ang paglipat e andun pa din po ang problema at malilipat lang po sa ibang tao ang pagsasakripisyo.

Parang yun sa school ko lang yan dati nung college - sabi sa amin nung administrator, "Kung di n'yo gusto ang patakaran dito sa paaralan e lumipat na lang kayo,"

Ang galing di ba? Parang no choice di ba?

Siguro ang mas marapat natin pagtuunan ng pansin ay kung paano kaya maso-solve ang problema na ito.

Sa tagal ko na namamasahe at sumasakay ng jeep, naisip ko, na siguro ang solusyon lang dito ay ang pagkakaroon ng isang maayos na regulation na magsasabi o maglilimita sa isang pampublikong sasakyan sa dami ng tao na pwede nitong isakay.

Halimbawa, dapat may sticker o karatola ang jeep na nakalagay kung ilan ang maximum na pwede nito isakay sa magkabilang upuan. Pag nakalagay ay 10 eto ay sampuan. At maaaring magreklamo ang pasahero kung lalabis dito ang isasakay ng driver.

Dapat ay sa simula ay may maayos na batayan ng pagsusukat. Isang standard na kinokonsidera ang laki ng bawat mananakay.

Dapat pagmultahin din ang lalabag sa panuntunan na ito. Parang sa Ayala, Makati lang di ba, bawal magsakay at magbaba kung saan saan - kaya natin yun ipatupad.

Malamang ay hindi eto 'applicable' sa mga probinsya at sa mga lugar na kakaunti lang ang pampasaherong sasakyan - subalit dito sa Metro Manila... matagal na sana eto nagawa.

Ang isa pang problema ay ang mga nagmamadaling mga pasahero na gagawin ang lahat para lang makasakay at makasabit sa pampasaherong Jeepney. Alam ko na sa maraming lugar ay ipinagbabawal na rin ang pagsabit - subalit hindi rin eto naipapatupad ng maayos dahil sa mga kadahilanang:

  • Welcome sa mga drivers ang sabit dahil eto ay dagdag na kita, kaya kahit bawal e go lang ng go.
  • Wala naman mga traffic enforcers na naninita - wala kasing malinaw na batas ukol dito.
  • Kagustuhan rin naman eto ng mga pasahero.      

So ang tanong: Kaayusan ba para sa mga nakakarami o pagtanggap sa nakaugalian na para sa kapakanan lamang ng iilang mga mananakay.

Siyempre magrereklamo din ang mga operators kasi mababawasan sila ng kita. Dahil nakatulong naman eto para pagaanin ang kalagayan ng mga mananakay, siguro naman ay hindi naman tayo magrereklamo kung may dagdag na kahit piso lang sa pamasahe.

Kapalit naman nito ay kaayusan at ginhawa ng bawat mananakay.
editorial cartoon by Jess Abrera

Comments