BISI-BISITA LANG (A Short Story By K. Brian Makabayan)

source: https://www.facebook.com/victor.gooco/posts/10157666850976441?

BISI-BISITA LANG
by K. Brian Makabayan

(Ang post na ito ay rated SPG: Striktong patnubay at gabay ng magulang ay kailagan. Maaaring may maseselang tema, lengwahe, Bato o Duterte na hindi angkop sa mga bata)

Alas onse ng gabi at nag-uulat si Pangulong Rodrigo Dutz sa bayan nang bigla na lang siyang bumulagta at humandusay sa sahig. Nataranta ang mga alipores.

Bong Go: Boss!!!!! (sumigaw at kuminang ang kanyang braces sa ngipin.)

Nang nagkamalay ay napansin ni Dutz na siya ay nasa ibang lugar na. Madilim ng kaunti at tila nasa isang napakalaking kuweba siya.

“Lodi!!!”, ani ng isang malakas at malalim na boses.

Biglang lumiwanag at isang lalaking naka suot pula at may sungay ang nagpakita, kasama ang ilang tauhan.

“Ako si Taning. Huwag kang mangamba. Di mo pa oras. Hiniram lang kita saglit. Gusto ko lang talaga mag-meet tayo ng personal dito sa haybols ko.”

Dutz: ha? Si Taning ka? Impiyerno ba ito?

Taning: Okay ba ang lugar ko? Pasensya ka na ha, biglaan lang. Araw araw kasi pinabibilib mo ako sa kahayupan mo. Demonyo na ako niyan ha? Petmalu ka. Ilan beses mong tinuya si Lord? Ako nga 3 beses lang, suko na. Pati nga Santo Papa minura mo; mga obispo at pari, binastos mo na, pinagbantaan mo pa. Haha. Kahit sina Hitler, Stalin at Saddam naghunos dili ng konti pero ikaw? Werpa to the max! Ilan ang napatay na bata sa iyong war on drugs kuno? Si Haring Herodes nga ilan lang pinatay na inosente, ikaw libo libo.

Dutz: (nagkamot sa ulo) Payo mo yata yun e? Yung bang napatay namin ng PNP na mga addict/user e andito na ba sa impiyerno?

Taning: Mangilan ngilan lang ang narito. Karamihan pina-process ang papeles, yung iba nasa taas na. Ano ba akala mo? Ang addiction ay mental health issue -kesyo drugs yan, o alak, sugal, sigarilyo, kape o tsokolate man. Hindi naman lahat ng nalulong o gumagamit, masama.

Dutz: akala ko pa naman iyon ang gusto mo. So, di ka masaya sa nagawa namin?

Taning: Sobrang happy kaya! Yang nagawa mo- yung ilaganap ang kasamaan, pang aabuso, pangloloko, pagkakawatak watak ng tao – higit pa yan sa 30,000 na kinitil mong buhay. Exponential rate ang habol ko.

Dutz: Ha? Di ko ma-gets.

Taning: Pinoy ka kasi; ang hilig mo sa tingi. Ganito lang ‘yan. Aanhin ko mga ilan mang mapunta dito kung mas marami ang na-impluwensya mo? Kung maging kultura na ang pagiging masama? Tingnan mo yung lespu sa tarlac na pumatay sa mag-ina. Mangyayari ba yun kung di ka ganyan ka garapal? Kung di mo pinalakas loob ng mga parak? Tuwing makikita mo sa social media na may mga nagmumurahan, nagkakalat ng kasinungalingan, pamilyang nagkakasira, politikong nagmamalabis, kababaihang nababastos, mga taong nawawalan ng pagasa at tiwala, ‘yan ang habol ko. Hindi iyong mga pobreng user. Pag dumadami ang mga taong ang akala e sila lang ang may karapatan sa buhay– yan ang hudyat ng kaganapan ng mga plano ko, este, natin. Tingnan mo nga nagkakagulo pati PDEA at pulis, nagbabarilan na. Nagkasagupa ang bopol at kawatan. Bwahahahaha.

Dutz: So ganoon nga. Ikaw ang nagpayo sa akin sa lahat.

Taning: Halos lahat. Ako kaya ang spiritual adviser mo. Araw araw mo akong katabi, nagpapayo.

Dutz: tulad ng war on drugs?

Taning: Check!

Dutz: Pamigay ng teritoryo sa China?

Taning: Op kors!

Dutz: Pangungulimbat at pag appoint ng mga corrupt?

Taning: Naman…

Dutz: pakulong kay Delima?

Taning: Hep, hep. Hindi ah. Ikaw na yan. Si Lucifer ako pero di ako ganyan kasama. Matinong tao yan, ginagago mo.

Dutz: Sobra ka naman kung makapagsalita. Di ba ikaw nga pinuno dito?

Taning: Excuse me! Dati akong Arkanghel, hoy. Fallen angel lang ako. E ikaw simula’t sapul ganyan na. Pati kasambahay nilapastangan mo, lahat ng inasawa mo pinagtaksilan mo, mga walang laban pinatay mo, lahat ng salita mo may mura, lahat ng pangako mo binaligtad mo. Bwahahaha! Kaya labs na labs kita e. Ibang klase ka.

Dutz: Parang nanlalambot na ako.

Taning: Huwag ka manghina. May misyon ka pa. Kahit naman ganyan ka, ang taas mo pa rin sa survey. Tapos sa social media, tuwang tuwa pa sila.

Dutz: Mga trolls naman karamihan doon. Tsaka may mga tao tayong pinagagalaw: mga bloggers, influencers, epals, at iba pang halang ang kaluluwa.

Taning: O, speaking of halang ang kaluluwa…
(May biglang dumating na nakatapis lang ng tuwalya sa baywang)

JPE: Digongski! Napasyal ka?

Dutz: Manong Johnny! Andito ka na ba? Kalian pa?

JPE: haha. Naku hindi. Bumibisita lang ako pag gusto ko mag-sauna. Minsan pag nasumpungan, accupunture din. Nagpapatusok sa sungay ni Taning at mga alipores niya.

Dutz: (bumulong kay Taning) Tagal na niyan sa lupa, di mo pa ba kukunin yan?

Taning: Sinner citizen na talaga yan. E bakit ko kukunin yan? Kung ikaw ba ako, magtitiwala ka diyan? TIngnan mo nga ilang beses nag coup yan umpisa kay Makoy.

Dutz: speaking of the other devil, narito ba si Apo Ferdie? Kausapin ko sana si idol.

JPE: Tiyempo naman na nagda-dialysis.

Dutz: kala ko kaluluwa lang ang andito. Bakit mag dialysis? May equipment kayo?

Taning: May health insurance kami dito noh? Kaya pag dating ng mga Philhealth boys mo, sila I pa manage ko. Ibang klaseng dialysis, mahirap i-explain. Hayaan mo, sa susunod na bisita mo…

Dutz: Ganun? Pero teka, okay lang siya dito? Nakakausap mo ba?

Taning: Di ko kinakausap. May atraso pa nga iyan. Noong unang nag report yang si Ferdie, chineck ko ang papeles sandali, pag lingat ko nawawala na ang “Gates of Hell”. Hanggang ngayon di pa umaamin. Inosente daw siya at ipagtatanggol daw siya ang abogado niyang si Estelito. Amp!

Dutz: Mahihirapan ka talaga diyan. Nga pala, may kinalaman ka ba sa pesteng COVID na yan? Hirap na rin kasi ako.

Taning: Iyang COVID? Ano naman alam ko diyan? Alam mo, tagasulsol lang ako; nanunukso, nangangantiyaw, nambubuyo, nanglilinglang. Wala akong powers na ganyan. Gumawa ka na lang ng paraan. Ano ba nagawa mo mula nang nagsimula ang pandemic?

Dutz: Uhmm, teka, ano…pinukulong ko si Maria Ressa, pinapasa ko ang anti-terrorism bill, nagpagawa ako ng pekeng beach sa Manila bay tapos pinasara ko ang ABS CBN.

Taning: Magaling! Tapos magtataka ka kung bakit ka nahihirapan. Ano ang ginagawa mo sa ngayon?

Dutz: Bumili ako ng overpriced and less effective na vaccine sa China. Tapos tuwing lunes ng hating gabi, may TV coverage ako para mag-ulat. Pinag mumumura ko na lang lahat ng mapagtripan ko.

Taning: Hatinggabi? Ayos ka rin ah. Once a week ka na lang magtrabaho, undertime na, alanganing oras pa. Tindi mo talaga. Tuloy mo na lang siguro yan hanggang magkagulo.

Dutz: E paano kung magalit na ang tao? Niluluto ko pa naman si Sara pagtapos ng term ko. Pa-delicious lang, kunwari ayaw tumakbo pero nagkalat ang tarpaulin. Tapos noon magtuloy tuloy na. Dating gawi ba?

Taning: Di nga? Si Sara? Bwahahaha! Hmmm… (napatahimik)

Dutz: Malalim yata iniisip mo, bossing?

Taning: Naisip ko lang kasi. 6 na taon ka, tapos susundan ka ni Sara ng 6 na taon pa? Aba e kung i-relocate ko na lang kaya ang impiyerno sa Pilipinas? Mas malala pa e. Bwahaha!

(“Boss…boss…” isang tinig ang narinig mula sa kalawakan)

Taning: Red alert! Red alert! Magbantay kayo! Baka sinasalakay na tayo!

Dutz: Bakit? Katabi naman natin si Manong Johnny ah.

Taning: Baka kasi andiyan na si San Miguel, hahatawin na naman ako niyan.

Dutz: Relax. Hawak natin si Mr. Ramon A.

Taning: Yung tunay na San Miguel. Iyong mandirigmang arkanghel!

(“boss..boss..hinahanap ka na…”, sabi ng boses)

Dutz: teka, kilala ko ang boses na yan. Yan iyong ka-double ko sa Basilan at kung saan pa. Baka bumubulong na naman sa lupa. Anong problema?

(“boss..balik ka na please…”)

Dutz: O, paano bossing? manong Johnny? Kailangan ko na pa lang bumalik. Huwag mo ako pabayaan ha?

Taning: Oo naman. Parati lang akong nasa tabi mo.

(Sabay ngiti ni Taning at kuminang ang kanyang braces sa ngipin)

Dutz: P^+@>&!>@ !! Bong Go, ikaw ba yan???!!!

(The end)

Comments